nakahinga din ako sa di mahulugang karayom na estado ng LRT. pagkatapos ng mangilan-ngilang tulakan at balyahan, nakalabas din ako. alas said y'media na at sa wakas ay narating ko na ang UN station. konting lakad nalang at pwede na akong sumalampak sa higaan o magbasa o magmuni-muni.
napansin ko na sa mga nagdaang buwan, tuwing bumababa ako, ang unang tumatambad sa paningin ko ay ang dalagitang nakaupo sa mga baitang ng hagdan. sa tabi niya'y isang plastik na baso kung saan matatanaw ang kakarampot na barya na mayroon siya. hindi alintana ang dami ng taong dumadaan sa harap niya, patuloy itong nagsasalita na animoy siya ay may kausap na nakikinig sa mga kwento niya. sinasabayan ito ng mayat mayang kumpas ng kanyang mga kamay na parang tinatapik ang kausap.
siya at ang mga katanungan ko ang kumukonsumo sa ilang minuto kong paglalakad patungo sa bahay. "naapektuhan na kaya ang kanyang utak dahil sa gutom, o inaaliw niya lang ang sarili niya?" "asan kaya ang kanyang mga magulang?" "sapat ba ang limos na nakuha niya para makabili ng pang-hapunan?" ito din ang nagpapa-alala sa akin na magpasalamat sa anumang biyayang natatanggap ko at magpasensya sa mga taong makukulit na sumasakay na ng tren kahit di pa nakakababa yung ilan.
at kahit anong pagod at hirap ang pinagdaanan ko buong maghapon, kahit papano ay may bahay akong mauuwian at matutulugan para maka ipon ng enerhiya sa darating na umaga hindi tulad ng bata, maghapon na ngang nanglilimos, pag uwi niya'y di manlang makapaghilamos.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

No comments:
Post a Comment